Magkasamang umalis ng Senate compound sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Senador Robinhood Padilla matapos ang serye ng putukan at kaguluhan sa ikalawang palapag ng gusali noong gabi ng Miyerkules, ayon sa Office of the Senate Sergeant-at-Arms.
Ayon kay Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca, makikita sa CCTV footage at base sa ulat ng Senate security na naglakad lamang ang dalawang senador patungo sa sasakyan ni Padilla bago tuluyang umalis sa compound.
Sinabi ni Aplasca na tila hindi naman itinago ng mga senador ang kanilang pag-alis mula sa Senado.
Gayunman, magsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang kanyang tanggapan upang alamin kung bakit hindi sila kinausap o pinigilan ng mga nakatalagang security personnel sa lugar.
Sa press briefing nitong Huwebes, Mayo 14, sinabi ni Senate President Alan Peter Cayetano na bandang alas-2:30 ng madaling araw nang ipagbigay-alam sa kanya ng Office of the Sergeant-at-Arms ang pag-alis ng dalawang senador.
Nilinaw naman ni Cayetano na walang legal na basehan ang mga opisyal ng Senado upang pigilan si Dela Rosa na lumabas ng premises kahit nasa ilalim ito ng protective custody.
Sa kabila nito, sinabi ng Senate President na personal pa niyang beberipikahin ang lahat ng impormasyon kaugnay sa insidente.
Ibinahagi rin ni Cayetano na nakausap niya ang asawa ni Dela Rosa, na humingi umano ng paumanhin sa nangyaring kaguluhan.
Ayon umano sa asawa ng senador, umalis si Dela Rosa dahil sa pangambang malagay sa panganib ang buhay ng kanyang mga kasamahan at empleyado kung mananatili siya sa gusali.
Posible rin umanong sinamantala ng senador ang kaguluhan at putukan upang makalabas ng Senado.
Sa ngayon, sinabi ni Cayetano na wala siyang impormasyon kung nasaan si Dela Rosa, ngunit patuloy nilang ipinagdarasal ang kaligtasan nito.














