Hindi isinasantabi ni Senador Erwin Tulfo ang posibilidad na ginamit bilang smokescreen o diversionary tactic ang naganap na kaguluhan sa Senado, na umano’y posibleng nagbigay-daan sa paglabas ni Sen. Ronald dela Rosa mula sa Senate premises.
Ayon kay Tulfo, posibleng ginamit ang insidente upang ibaling ang atensyon ng publiko at mapadali ang pag-alis ni dela Rosa mula sa Senado.
Maalala na nananatiling kontrobersyal ang naganap na putukan sa Senado matapos igiit ni Senate President Alan Peter Cayetano na inatake ang mataas na kapulungan.
Gayunman, taliwas ito sa lumabas na imbestigasyon ng Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police na nagsabing walang nangyaring aktwal na pag-atake sa Senado.
Ayon kay Tulfo, posibleng ginamit ang kaguluhan bilang distraction dahil alam umano ng marami kung gaano kahigpit ang seguridad sa loob ng Senado.
Dagdag pa niya, maaari umanong pansamantalang inilipat o pinalayo ang ilang ahente ng National Bureau of Investigation mula sa paligid ng Senado upang lumuwag ang seguridad hanggang sa makalabas si dela Rosa.














