Naghain ng resolusyon si Sen. Risa Hontiveros upang imbestigahan ang Roblox at iba pang online gaming platforms kaugnay ng posibleng banta sa kaligtasan ng kabataan.
Sa ilalim ng Senate Resolution No. 357, inaatasan ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na magsagawa ng imbestigasyon sa epekto ng online gaming sa mga bata, kabilang ang exposure sa online sexual abuse, grooming, at iba pang digital threats.
Layunin ng panukala na makabuo ng mga rekomendasyon tulad ng mandatory age verification protocols at mas mahigpit na safety standards upang maiwasan ang online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC).
Binanggit ni Hontiveros na may mga naitalang kaso kung saan ginagamit ang chat features ng mga gaming platform upang makipag-ugnayan sa mga bata, makuha ang kanilang tiwala, at kalaunan ay dalhin ang komunikasyon sa pribadong channels para sa posibleng pagsasamantala.
Ibinigay rin niyang halimbawa ang isang insidente sa CALABARZON kung saan ilang menor de edad ang umano’y naimpluwensiyahan ng violent content at online interactions sa gaming environments.
Kabilang sa mga platform na tinukoy ay ang Minecraft, Fortnite, Call of Duty, at Free Fire, na may real-time communication features ngunit kulang umano sa maaasahang age verification systems.
Ayon sa senadora, karamihan sa kasalukuyang sistema ay nakabatay lamang sa self-declared age, na hindi sapat upang maprotektahan ang mga menor de edad laban sa online predators at mapaminsalang content.
Tinukoy din niya na ang ibang bansa tulad ng Australia, New Zealand, at Netherlands ay nagsisimula nang gumamit ng mas advanced na age verification technologies.
Iginiit ni Hontiveros na kailangang palakasin ang mga safety measures ng mga digital platform habang binabalanse ang proteksyon ng kabataan, privacy, at patuloy na inobasyon sa teknolohiya.











