Naging emosyonal si Senadora Pia Cayetano matapos kwestiyunin ang naging pahayag ni Senadora Risa Hontiveros na “parang walang nangyari” kaugnay ng insidente ng putukan sa Senado noong Mayo 13 hanggang 14, 2026.
Ayon kay Cayetano, labis na nakasakit sa kanila ang naturang pahayag dahil para sa mga nasa loob ng Senado nang mangyari ang insidente, matindi umano ang takot at pangamba na kanilang naranasan.
“Para sa amin na andito, napakaraming nangyari. Takot na takot po ako… Para sabihin niyo na walang nangyari, nakapasakit para sa aming lahat na nandito,” ani Cayetano.
Naganap ang insidente ng putukan sa loob ng compound ng Senado noong Mayo 13 hanggang 14, 2026, kung saan nagkaroon umano ng kaguluhan matapos magpaputok ng baril ang Senate sergeant-at-arms na si retired MGen. Mao Aplasca.
Dahil sa insidente, sinuspinde ng Ombudsman si Aplasca habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa nangyari.
Nagdulot din ang insidente ng pangamba sa mga senador at empleyado ng Senado, gayundin ng mga panawagan na repasuhin ang seguridad sa loob ng institusyon.
Sa kasalukuyan, patuloy na iniimbestigahan ng mayorya ang tunay na pangyayari sa insidente, habang nakatakdang magsagawa ng caucus ang minorya upang talakayin ang kanilang posisyon hinggil sa usapin.
May mga alegasyon ding ilang opisyal at empleyado ang nakatanggap umano ng text message bago naganap ang putukan, dahilan upang makalabas sila ng compound bago pa tuluyang umigting ang tensyon.










