Tahasan nang sinabi ni Senador Imee Marcos na hindi siya pipirma sa partial report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga flood control project ng pamahalaan, dahil umano sa kakulangan ng mas malalim at komprehensibong pagsusuri.
Iginiit ni Marcos na kulang ang saklaw ng kasalukuyang imbestigasyon, lalo na’t hindi pa aniya natatanong at nasisiyasat ang ilang personalidad na itinuturo ng mga testigo sa mga pagdinig.
Ayon sa senadora, magiging handa lamang siyang lumagda sa ulat kung magsasagawa ang komite ng mas malawak at buong imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa mga proyekto ng flood control.
Samantala, muling nanawagan si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson sa kanyang mga kasamahan na pirmahan ang naturang partial report, na sa kasalukuyan ay apat pa lamang ang lagda.
Binigyang-diin ni Lacson na bukas ang ulat sa interpelasyon at mga amyenda mula sa iba pang senador, at maaari pa itong baguhin kung kinakailangan.
Dagdag pa niya, karamihan sa mga rekomendasyon sa ulat—kabilang ang imbestigasyon sa ilang personalidad—ay naipatupad na o kasalukuyang tinututukan ng ibang ahensya ng pamahalaan.
Kaugnay nito, naghahanda na rin ang Office of the Ombudsman na magsampa ng kasong plunder laban kina dating House Speaker Martin Romualdez at Senador Francis Escudero kaugnay ng nasabing isyu.
Mariin namang itinanggi ni Lacson ang paratang na may pinagtatakpan siya sa imbestigasyon, at iginiit na ginagawa lamang niya ang kanyang tungkulin sa kabila ng puna ng ilang kasamahan.
Sa panig naman ni Marcos, sinabi niyang tila tinatabunan ang kontrobersya kasunod ng pagpaliban ng nakatakdang pagdinig ng komite noong Abril 13.














