Nanawagan si Senador Loren Legarda sa pamahalaan na suspendihin ang excise tax at value-added tax (VAT) sa diesel at gasolina upang maibsan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.

Ayon kay Legarda, hindi pa rin lubos na nararamdaman ng maraming Pilipino ang epekto ng mga naunang hakbang ng gobyerno, sa kabila ng anunsyo ng suspensyon ng excise tax sa LPG at kerosene at patuloy na pagtalakay sa posibleng pagtanggal ng buwis sa diesel at gasolina.

Giit ng senador, mas direktang makakatulong sa mga tsuper, mangingisda, magsasaka, at ordinaryong pamilya ang pagbawas ng buwis sa fuel dahil agad itong makaaapekto sa presyo ng transportasyon at pagkain.

Ipinunto rin niya na batay sa mga pagtataya, maaaring bumaba nang malaki ang presyo kada litro ng diesel at gasolina kung aalisin ang mga buwis, na aniya ay agarang mararamdaman ng publiko.

Advertisement

Tinanggihan din ni Legarda ang argumento na ang fuel tax cut ay para lamang sa mayayaman. Aniya, ang pagtaas ng presyo ng gasolina ay may domino effect sa buong ekonomiya, na higit na nagpapahirap sa mahihirap na sektor.

Dagdag pa niya, mas epektibo ang direktang pagbabawas ng buwis kumpara sa targeted aid programs, na kadalasang naaantala dahil sa mabagal na proseso at pagdaan sa iba’t ibang ahensya.

Binigyang-diin din ng senador na may sapat na pondo ang pamahalaan para sa naturang hakbang sa pamamagitan ng pagbabawas ng hindi kinakailangang gastusin, pag-freeze ng hiring sa non-essential positions, at pagpapalawak ng digital systems upang makatipid.

Advertisement