Iginiit ng National Bureau of Investigation (NBI) na responsibilidad ng Senado na iharap si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa dahil nasa ilalim umano ito ng protective custody ng mataas na kapulungan habang may kinahaharap na utos ng pag-aresto.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, malinaw ang pananagutan ng Senado kaugnay sa pagkawala o hindi paglutang ng senador na nahaharap sa warrant of arrest.

Kasabay nito, sinabi ni Matibag na nagbigay na ng direktiba si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang tiyaking magiging patas ang imbestigasyon at mapanagot ang sinumang mapatutunayang may pagkakasala sa insidente.

Ipinahayag din ng opisyal na nakakadismaya kung totoo mang wala na sa loob ng Senado si Dela Rosa.

Advertisement

Ayon kay Matibag, “malungkot” umano ang nangyari dahil umaasa siyang igagalang ang kanilang napagkasunduan hinggil sa usapin.

Naniniwala rin siya na bilang mga kagalang-galang na opisyal ng gobyerno, tungkulin ng mga senador na pangalagaan hindi lamang ang kanilang kasamahan kundi maging ang umiiral na batas at Konstitusyon ng bansa.

Inamin din ni Matibag na may ilang ahente ng NBI na naniniwalang posibleng “staged” o sinadyang likhain ang kaguluhan sa Senado upang mabigyan ng pagkakataong makatakas ang senador.

Binigyang-diin niya na mandato ng NBI na tiyaking maaaresto ang sinumang may warrant of arrest, lalo’t anim na buwan na umanong iniiwasan ni Dela Rosa ang pagdakip matapos lumabas ang balita hinggil sa kaso nito.

Gayunman, sinabi ni Matibag na ipinauubaya na nila sa Department of Justice (DOJ) ang susunod na hakbang at pagdedesisyon kaugnay sa operasyon at kaso laban sa senador.

Advertisement