Nanatiling bukas ang Social Security System (SSS) sa posibilidad ng karagdagang dagdag sa pensyon matapos ang kasalukuyang iskedyul ng adjustment, ngunit nakadepende ito sa magiging performance ng pondo ng ahensya. Ayon kay SSS President at CEO Robert Joseph de Claro, susuriin pa nila ang posibilidad nito sa susunod na taon.
Sinabi ni de Claro na wala pang pinal na desisyon ang SSS kung magpapatuloy o magbibigay pa ng panibagong pension increase matapos ang kasalukuyang programa na magtatapos sa 2027. Sa ilalim ng Pension Reform Program (PRP), ipinatupad ng ahensya ang kauna-unahang taunang dagdag-pensyon simula 2025.
Sa ilalim ng programa, tataas ng 10 porsiyento kada taon mula 2025 hanggang 2027 ang retirement at disability pensions, habang tataas naman ng limang porsiyento kada taon ang survivor pensions sa parehong panahon. Nauna ring ipinatupad ang ikalawang yugto ng PRP noong nakaraang buwan, kung saan tinatayang aabot sa P6.5 bilyon ang epekto nito sa pondo.
Habang pinag-aaralan pa ang mga susunod na adjustment sa pensyon, sinabi ng SSS chief na naghahanda rin ang ahensya ng mga bagong programa upang mapalawak ang benepisyo para sa mga miyembro. Kabilang dito ang planong solar financing program na makatutulong sa humigit-kumulang 100,000 kabahayan na makapagpakabit ng solar panels gamit ang SSS loan.
Sa ilalim ng panukalang programa, maaaring makahiram ang mga kwalipikadong miyembro ng P300,000 hanggang P400,000 na babayaran sa loob ng apat hanggang pitong taon. Ayon kay de Claro, naghahanda ang SSS ng humigit-kumulang P40 bilyon para rito, na inaasahang iaanunsyo sa Setyembre at posibleng ipatupad sa huling bahagi ng taon o sa unang bahagi ng 2027.














