Maaaring pansamantalang akuin ng pamahalaan ang premium contributions sa Government Service Insurance System at Social Security System upang madagdagan ang take-home pay ng mga manggagawa at maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ayon kay Senator Sherwin Gatchalian.

Ayon kay Sherwin Gatchalian, layunin ng panukala na madagdagan ang maiuuwi ng mga empleyado sa gitna ng tumitinding inflation at pagtaas ng presyo ng langis. Sa ilalim ng mungkahi, maaaring i-absorb ng pamahalaan ang kontribusyon sa GSIS at SSS upang mas lumaki ang netong sahod ng mga manggagawa.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ng senador na maaaring umabot sa humigit-kumulang 9 hanggang 10 porsiyento ang madaragdag sa take-home pay ng mga empleyado, o katumbas ng nasa ₱2,000 hanggang ₱3,000 kada buwan para sa mga kumikita ng ₱30,000.

Tinatayang aabot sa ₱9 bilyon kada buwan ang posibleng gastusin ng pamahalaan kung ipatutupad ang subsidiya, depende sa tagal ng pagpapatupad nito habang nananatiling mataas ang inflation dahil sa global tensions.

Advertisement

Binanggit din ni Gatchalian na naipatupad na ang kahalintulad na hakbang noong panahon ng pandemya, kaya maaari rin itong gamitin bilang pansamantalang solusyon o intervention.

Dagdag pa niya, bahagi ang panukala ng mas malawak na hakbang ng pamahalaan para sa targeted subsidies, lalo na para sa mga sektor na pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng langis, habang patuloy na pinag-aaralan ang posibleng pagkukunan ng pondo sa gitna ng fiscal constraints.

Advertisement