Patuloy na kumikilos pakanluran-hilagang kanluran ang Super Typhoon Bavi habang nananatili itong malapit sa Northern Mariana Islands.
Batay sa pinakahuling ulat ngayong araw, ang sentro ng mata ng bagyo ay nasa tinatayang 2,215 kilometro silangan ng Southeastern Luzon at nasa labas pa rin ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Taglay ng Bavi ang lakas ng hanging aabot sa 205 kilometro kada oras malapit sa sentro, na may pagbugso hanggang 250 kilometro kada oras. Kumikilos ito sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Umaabot naman sa 800 kilometro mula sa sentro ng bagyo ang saklaw ng malalakas hanggang typhoon-force na hangin. Bagama’t wala pa itong direktang epekto sa bansa sa kasalukuyan, pinapayuhan ng state weather bureau ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga susunod na weather advisories dahil maaari pang magbago ang galaw at lakas ng Super Typhoon Bavi sa mga darating na araw.









