NAGA CITY – Patay ang isang tricycle driver matapos barilin sa Tiaong, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Pedro Trinidad Din, 43-anyos residente ng Sitio Panghulan Uno, Brgy., Bula sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Offfice, napag-alaman na habang nag-aalmusal ang biktima kasama ang kaniyang bayaw na kinilalang si Leonardo Diola nang bigla na lamang dumating ang suspek na kinilala namang na si Enrico Millares Perez, residente rin ng nasabing lugar at binaril na lamang ang biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman pa na dahil sa insidente ay nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kaniyang ulo si Din na naging dahilan ng kaniyang agarang kamatayan.

Samantala, agad namang tumakas ang suspek sa hindi pa malaman na direksyon habang narekober naman sa pinangyarihan ng krimen ang isang shell ng kalibre .45 na baril.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad laban sa tumakas na suspek.