NAGA CITY- Patay ang isang tricycle driver matapos pagbabarilin sa Candelaria, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Rico Abrenica Alvis, 45-anyos, residente ng Sitio Tibanglan, Brgy. Malabanban Norte sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang pinagmamaneho ng biktima ang kaniyang motorsiklo papunta sa Norteng direksyon ng lugar ay dumating aniya ang dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek at bigla na lang pinagbabaril si Alvis.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, mababatid na nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang parte ng kaniyang katawan ang biktima na nagresulta ng kaniyang pagkasawi.

Samantala, narekober rin sa pinangyarihan ng krimen ang anim na fired cartridge case ng caliber 45 na baril.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad lalo ang paghahanap sa posibleng kinalalagyan at pagkakakilanlan ng mga suspek na agad tumakbo matapos ang nasabing krimen.