Lumakas pa ang tropical storm na Nuri habang nananatili sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa ulat nitong Miyerkules ng umaga, habang patuloy namang nakararanas ng malamig na panahon at pag-ulan ang ilang bahagi ng Luzon at Visayas dahil sa Northeast Monsoon o Amihan.

Ayon sa ulat, huling namataan ang bagyong Nuri sa layong humigit-kumulang 1,290 kilometro silangan ng Eastern Visayas.

Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong hanggang 80 kilometro kada oras.

Mabagal naman itong kumikilos patungong timog-kanluran, ngunit patuloy pa ring binabantayan ng mga awtoridad ang galaw nito.

Advertisement

Samantala, patuloy na nakaaapekto ang Amihan sa Luzon at Visayas na nagdudulot ng malamig na temperatura at paminsan-minsang pag-ulan sa ilang lugar.

Bukod dito, naaapektuhan din ng trough ng tropical storm ang silangang bahagi ng Mindanao na maaaring magdala ng mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog.

Kung papasok sa loob ng PAR ang nasabing sama ng panahon, bibigyan ito ng lokal na pangalang Butchoy, na siyang magiging ikalawang bagyo sa bansa ngayong 2026.

Advertisement