Iginiit ni U.S. President Donald Trump na hindi dapat magkaroon ng nuclear weapon ang Iran, kasabay ng muling pagbatikos sa panawagan ni Pope Leo XIV para sa kapayapaan sa gitna ng patuloy na tensyon sa rehiyon.
Ayon kay Trump, bagama’t malaya ang Santo Papa na ipahayag ang kanyang pananaw, nananatili ang kanyang posisyon na hindi dapat pahintulutan ang Iran na magkaroon ng nuclear weapons dahil sa panganib na maidudulot nito sa buong mundo.
“The Pope has to understand – it’s very simple – Iran cannot have a nuclear weapon. The world would be in great danger,” ani Trump.
Matatandaang paulit-ulit na binatikos ni Trump si Pope Leo XIV, na isa sa mga kritiko ng US-Israel military actions laban sa Iran. Inakusahan pa ng Pangulo ang Santo Papa ng pagiging mahina sa usaping foreign policy.
Sa kabila nito, sinabi rin ni Trump na iginagalang niya ang karapatan ng Pope na magsalita. “The Pope can say what he wants, and I want him to say what he wants, but I can disagree,” dagdag niya.
Samantala, si Pope Leo XIV, na nagmula sa Chicago, ay nanawagan na itigil na ang “madness of war” at hinikayat ang mga bansa na isulong ang kapayapaan sa halip na karahasan.
Umani naman ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga Kristiyano, lalo na sa Estados Unidos, ang palitan ng pahayag ng dalawang lider hinggil sa isyu ng digmaan at seguridad.














