Kinasuhan ng United States Department of Justice (DOJ) ang pitong Chinese executives at apat sa pinakamalalaking shipping container companies sa mundo dahil sa umano’y sabwatan na magmanipula ng supply at magtaas ng presyo ng containers sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Ayon sa DOJ, ang mga kumpanya ay kumokontrol sa humigit-kumulang 95% ng standard dry shipping container production sa buong mundo at umano’y nagsabwatan mula Nobyembre 2019 hanggang Enero 2024 upang limitahan ang produksyon at itaas ang presyo.

Sinabi ng mga prosecutor na ang naturang umano’y scheme ay nagresulta sa mas mataas na gastos para sa mga consumer sa Estados Unidos at mas mahabang paghihintay sa suplay ng mga produkto noong pandemya.

“Around the start of the global pandemic, these manufacturers exploited the crisis and their market power to squeeze the supply chain for profit,” pahayag ni Associate Attorney General Stanley Woodward.

Advertisement

Kabilang sa mga kinasuhan ang executive na si Vick Ma, 54, marketing director ng Singamas Container Holdings Ltd, na naaresto sa France noong Abril.

Ayon sa DOJ, hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Singamas kaugnay ng mga paratang.

Patuloy ang imbestigasyon ng US DOJ sa umano’y global shipping container cartel na sinasabing nakaapekto sa supply chain at presyo ng mga produkto sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Advertisement