Photo © web

Nagbabala si Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste na posibleng mas malala pa ang kinakaharap na debt crisis ng bansa kumpara sa kasalukuyang oil crisis kung hindi titigil ang gobyerno sa umano’y “wasteful spending” at hindi magbawas ng malalaking gastusin.

Ayon kay Leviste, tinatayang aabot sa ₱300 bilyon ang mawawala sa bansa ngayong taon dahil sa pagtaas ng presyo ng langis, ngunit mas malaking banta umano ang lumolobong pambansang utang.

Sinabi ng mambabatas na maaaring lumampas sa ₱19 trilyon ang utang ng bansa, katumbas ng 65% ng Gross Domestic Product (GDP)—ang pinakamataas sa loob ng 20 taon. Dagdag pa niya, umabot na sa 6% ng GDP ang fiscal deficit habang bumagal ang ekonomiya sa 4.4% noong 2025, at higit sa 20% ng buwis ng mamamayan ay napupunta lamang sa pagbabayad ng interes sa utang.

“Hindi tayo makakaahon sa krisis sa pamamagitan ng pangungutang,” ani Leviste, at iginiit na kulang ang pondo ng gobyerno para protektahan ang publiko laban sa mataas na presyo ng langis kung hindi babawasan ang gastusin.

Advertisement

Bilang hakbang, naghain si Leviste ng House Resolution No. 911 na naglalayong makatipid ng hindi bababa sa ₱12.9 bilyon mula sa pagho-host ng 2026 ASEAN Summit. Hinimok din niya ang publiko na suportahan ang panawagang pagbabawas ng mga hindi kailangang gastusin ng pamahalaan upang mas maprotektahan ang ekonomiya at mamamayan.

Advertisement