Pinuri ni Bise Presidente Sara Duterte ang kamakailang matagumpay na combat operation ng Philippine Army sa Negros Occidental, kasabay ng pagpupugay sa mga sundalong lumahok sa nasabing misyon.
Sa isang pahayag ngayong Sabado, Abril 25, kinilala ni Duterte ang katapangan, disiplina, at matibay na dedikasyon ng 79th Infantry Battalion (79IB) sa ilalim ni Lt. Col. Eric Alfonso, na aniya’y nagpakita ng kahusayan sa operasyon.
Ayon sa Pangalawang Pangulo, sumasalamin ang tagumpay hindi lamang sa operational excellence ng mga sundalo kundi sa kanilang matibay na layuning mapanatili ang kapayapaan, seguridad, at rule of law sa mga komunidad.
Bagamat hindi tinukoy ang eksaktong detalye ng operasyon sa kanyang pahayag, nauna nang iniulat ng Philippine Army ang naganap na engkwentro sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental sa pagitan ng mga sundalo at umano’y mga miyembro ng New People’s Army (NPA).
Batay sa ulat ng militar, 19 na hinihinalang miyembro ng NPA ang napatay sa naturang operasyon. Naiulat din na kabilang sa mga nasawi ang isang student leader, isang mamamahayag mula Bacolod, at isang Filipino-American.
Mariin namang itinanggi ng Philippine Army na may mga sibilyang nasawi sa insidente at iginiit na isinagawa ang operasyon alinsunod sa International Humanitarian Law at sa propesyunal na pamantayan ng hukbo.
Samantala, hinimok ni Duterte ang mga magulang at guardians na bantayan ang kanilang mga anak at pigilan ang mga ito na mapasama sa mga bayolenteng extremist groups.














