Wala pang pormal na senatorial slate para sa 2028 elections ang kampo ni Vice President Sara Duterte, ayon sa kanya sa isang ambush interview sa Davao City nitong Huwebes matapos ang paggunita sa Araw ng Kagitingan.

Sa panayam, sinabi ni Duterte na bagama’t may ilang indibidwal na nagpahayag ng interes na sumama sa kanyang posibleng kandidatura sa 2028, wala pa aniyang pinal o pormal na listahan ng mga senatoriable.

“Wala pa akong senators… kung sasabihin mo na meron na talagang listahan at meron na talagang usapan, walang ganoon,” ani Duterte.

Tumanggi rin siyang magbanggit ng mga pangalan ng posibleng kaalyado, at iginiit na nananatiling sensitibo at “mainit” ang kasalukuyang klima ng pulitika, kaya nahihirapan ang ilang tao na hayagang magpakita ng suporta.

Advertisement

Dagdag pa ng Bise Presidente, maraming iniuugnay sa kanya ang umano’y nakararanas ng pressure, harassment, at legal na hamon, dahilan upang umiwas muna siya sa paglalantad ng mga posibleng kandidato.

Wala rin aniyang napipili na vice presidential running mate para sa 2028, at nakadepende ito sa kahandaan ng isang kandidato at tamang panahon ng anunsyo.

Sa parehong panayam, sinabi ni Duterte na dapat pangunahan ng pambansang pamahalaan ang pagtugon sa epekto ng krisis sa Middle East sa mga Pilipino, at tinukoy si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang pangunahing responsable.

Tiniyak din niya ang pagpapatuloy ng “libreng sakay” program ng kanyang tanggapan sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis, habang nagpahayag ng pagdududa sa ilang political surveys ngunit nagpasalamat sa patuloy na suporta ng publiko.

Advertisement