Mariing pinabulaanan ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr. ang laman ng handwritten letter ni Ramil Madriaga na may petsang Abril 11, 2026, na umano’y nag-uugnay sa mga planong destabilization laban sa pamahalaan.
Ayon kay Atty. Panelo Jr., mas lalong lumilinaw ang depensa ng Bise Presidente sa tuwing nagsasalita si Madriaga, dahil aniya ay malinaw na walang kredibilidad ang mga ibinibintang nito.
Kabilang sa mga binanggit ni Madriaga ang umano’y “secret term-sharing agreement,” planong pagpapatalsik sa gobyerno, at assassination plots laban kay Ferdinand Marcos Jr., ngunit agad itong itinanggi ni Panelo at tinawag na “pure fiction.”
Giit ng abogado, handa silang sagutin at pabulaanan ang bawat paratang kung kinakailangan, ngunit wala umanong maipakitang ebidensiya ang mga akusasyon.
Sinabi pa ni Panelo Jr. na matagal na niyang ipinunto na ang pagpapasaksi kay Madriaga ay maglalantad lamang ng kakulangan nito sa kredibilidad at umano’y mga kasinungalingan.
“I have repeatedly said that making Madriaga testify would just reveal his lack of credibility and expose his lies. He has now succeeded in doing exactly that even before uttering a single word under oath,” pahayag ni Panelo Jr.
Sa kabuuan, iginiit ng kampo ng Bise Presidente na ang mga pahayag ni Madriaga ay hindi nakakatulong sa mga paratang laban sa kanila, kundi lalo pang nagpapalakas sa kanilang depensa.














