Nagpaalala ang World Health Organization (WHO) na hindi inirerekomenda ang paggamit ng electric fan sa mga saradong lugar na matindi ang init dahil maaari umanong magdulot ito ng “oven effect,” kung saan lalo pang umiinit ang pakiramdam ng katawan.
Ayon sa WHO, sa mga lugar na kulob at walang sapat na bentilasyon, hindi nakatutulong ang electric fan kapag mataas na ang temperatura dahil umiikot lamang ang mainit na hangin sa loob ng silid, na mas lalong nagpapalala ng init na nararamdaman ng tao.
Ipinaliwanag ni professional mechanical engineer Ian Willien Mamaril na kapag umabot sa 35°C pataas ang temperatura, halos wala nang naidudulot na ginhawa ang electric fan.
Ayon sa kanya, pinapaikot lamang ng bentilador ang mainit na hangin kaya mas lalo pa itong tumatama sa katawan ng tao.
Binigyang-diin din ni Mamaril na maaaring magdulot ng dehydration ang matinding init sa loob ng saradong lugar, lalo na kung patuloy ang paggamit ng electric fan sa ganitong kondisyon.
Nagpaalala rin ang Department of Health na mahalagang manatiling hydrated sa pamamagitan ng pag-inom ng walo hanggang sampung baso ng tubig upang makatulong sa pag-regulate ng temperatura ng katawan.
Ayon sa DOH, ang tamang pag-inom ng tubig ay nakatutulong upang mapanatiling malamig ang katawan, lalo na sa panahon ng matinding init.
Iminumungkahi rin ng mga eksperto ang pagbubukas ng mga bintana o pagtiyak ng maayos na bentilasyon sa loob ng bahay upang makalabas ang naiipong init at makapasok ang sariwang hangin.
Samantala, posible rin umanong masira ang electric fan kung patuloy itong gagamitin sa sobrang init nang walang pahinga.














