Itinaas ng World Health Organization (WHO) sa “very high” ang risk level ng posibleng paglala ng outbreak ng Bundibugyo strain ng Ebola sa Democratic Republic of Congo (DRC).

Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, nananatiling mataas ang posibilidad na mabilis pang kumalat ang virus sa loob ng bansa, habang “high” naman ang panganib sa rehiyon at “low” sa pandaigdigang antas.

Ang Bundibugyo strain ay isang uri ng Ebola na wala pang aprubadong bakuna o tiyak na lunas sa kasalukuyan.

Batay sa pinakahuling datos, nasa 82 na ang kumpirmadong kaso sa Congo, kabilang ang pitong nasawi. Mayroon ding mahigit 170 na pinaghihinalaang nasawi at halos 750 suspected cases na patuloy na iniimbestigahan.

Advertisement

Sa Uganda, dalawang kaso na ang nakumpirma mula sa mga biyaherong nagmula sa Congo, kung saan isa ang nasawi.

Ayon sa WHO, nakatutulong ang mahigpit na contact tracing at pagkansela ng malalaking pagtitipon sa Uganda upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Kinumpirma rin ng WHO na isang American national na nagtatrabaho sa Congo ang nahawa at inilipat sa Germany para sa gamutan, habang isa pang Amerikano na posibleng na-expose ay inilipat sa Czech Republic.

Pinag-aaralan din ng WHO ang paggamit ng experimental antiviral drug na Obeldesivir bilang posibleng panlaban sa Ebola, sa ilalim ng mahigpit na protocol.

Ayon sa mga eksperto, maaaring dalawang buwan nang kumakalat ang outbreak bago ito opisyal na idineklara, kaya patuloy ang pagtaas ng kaso habang hinahabol ng mga awtoridad ang pagpigil sa pagkalat ng virus.

Advertisement