Naglabas ng ikatlong global situation report ang World Health Organization (WHO) kaugnay ng tumitinding kaguluhan sa Middle East, na nagdudulot ng seryosong banta sa kalusugan, suplay ng tubig, at serbisyong medikal sa rehiyon.
Ayon sa WHO, bagama’t umiiral ang dalawang linggong ceasefire sa Iran, nananatiling kritikal ang sitwasyon sa Lebanon at iba pang bansa sa Middle East dahil sa patuloy na karahasan at pag-atake sa health infrastructure.
Naitala ang sunod-sunod na pag-atake sa mga ospital, ambulansya, at health workers—mga insidenteng itinuturing na paglabag sa international humanitarian law at nagdudulot ng matinding pinsala sa health system ng mga apektadong bansa.
Bukod dito, iniulat din ang apat na pag-atake sa mga desalination facilities sa Iran, Bahrain, at Kuwait. Dahil umaasa ang ilang bansa sa rehiyon ng hanggang 70–100% ng kanilang inuming tubig mula sa desalination, nagbabadya ito ng kakulangan sa tubig, posibleng pagsasara ng mga ospital, at paglaganap ng waterborne diseases.
Bagama’t nananatiling matatag ang pandaigdigang suplay ng medical commodities, nahahadlangan ang paghahatid ng humanitarian aid dahil sa airspace restrictions at tumataas na gastos sa transportasyon.
Kabilang sa pangunahing banta sa kalusugan ang pagdami ng trauma at injuries, pagkaantala sa gamutan ng non-communicable diseases, limitadong access sa serbisyong pangkalusugan para sa mga displaced persons, at panganib ng pagkalat ng sakit sa mga evacuation centers.
Nababahala rin ang WHO sa exposure ng mga komunidad sa radiological, nuclear, at industrial chemical risks, habang patuloy na tumataas ang pangangailangan para sa mental health at psychosocial support dulot ng karahasan at displacement.
Bilang tugon, pinaigting ng WHO at mga katuwang nito ang pagmamapa ng health risks, kabilang ang epekto ng population displacement at mga pag-atake sa critical infrastructure.
Kabilang sa kanilang mga hakbang ang pagbibigay ng teknikal na suporta sa water, sanitation, at hygiene services, paghahanda ng backup systems para sa mga health facility, pagpapalakas ng immunization programs, at pag-iimbak ng medical supplies para sa agarang pagtugon sa posibleng outbreak ng sakit.
Patuloy ring isinusulong ng WHO ang contingency planning, pagpapalakas ng surveillance at early warning systems, at pagbibigay ng gabay sa trauma care at mental health services.
Binigyang-diin ng organisasyon ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa mga komunidad upang matugunan ang kanilang pangangailangan habang patuloy na lumalala ang krisis sa rehiyon.














