Nagpahayag ng kumpiyansa si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na may sapat at matibay na batayan upang dinggin ng Senado ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, kabilang ang umano’y ₱6.7 bilyong bank transactions at alegasyon ng banta sa buhay ng Pangulo.

Sa isang panayam, tinukoy ni Ridon ang mga lumabas na impormasyon sa pagdinig ng House Committee on Justice bilang pangunahing basehan ng posibleng pag-usad ng kaso sa Senado.

Ayon sa mambabatas, ang malaking halaga ng salapi na pumasok at lumabas sa mga bank account na iniuugnay kay Vice President Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio sa loob ng ilang taon ay isa umanong matibay na indikasyon na dapat pagtuunan ng pansin.

Dagdag pa niya, ang mga naunang pagdinig sa isyu ng confidential funds ay nagpakita na rin umano ng umiiral na probable cause laban sa Bise Presidente.

Advertisement

Samantala, nakatakda sa Abril 29 ang susunod na pagdinig kung saan inaasahang pagdedesisyunan ng komite kung bubuksan ang mga dokumento ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na may kaugnayan sa kaso.

Inimbitahan din ang National Bureau of Investigation (NBI) upang magbigay ng karagdagang impormasyon hinggil sa umano’y assassination plot na kinasasangkutan umano ni VP Sara laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Para kay Ridon, sapat na umano ang mga naunang pahayag ng Bise Presidente bilang bahagi ng kabuuang ebidensya ng kaso.

Upang maipasa sa Senado ang impeachment complaint, kinakailangang makuha ang majority vote na 21 mula sa 39 na miyembro ng House Committee on Justice.

Advertisement