NAGA CITY- Patay ang isang bigtime drug personality matapos manlaban sa isinagawang buy bust operation sa Nabua, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Bienvenido Densing Jr. residente ng Barangay Tampo, Pamplona, sa nasabing lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. John Pelea, hepe ng Nabua Municipal Police Station, sinabi nito na nagawang makabili ang umaktong poseur buyer sa suspek ng isang knot tied sachet ng hinihinalang shabu.

Ngunit, nakahalata umano ang suspek kung kaya agad itong bumunot ng baril at nakipagpalitan ng putok sa mga awtoridad.

Dahil dito, nagtamo ng tama ng bala ng baril sa kaniyang katawan ang suspek na kaagad naman na dinala sa pagamutan ngunit hindi na umabot pa ng buhay.

Ayon kay Pelea, aabot sa 1kg ang nasamsam na shabu sa suspek at tinatayang aabot sa humigit kumulang P7,000,000.

Samantala, pinaniniwalaang si Densing ang nagsusupply ng mga pinagbabawal na droga sa lungsod ng Naga gayundin sa iba’t-ibang bahagi ng nasabing lalawigan.