NAGA CITY – Nasamsam ng mga awtoridad ang aabot sa P102,000 na droga sa tatlong persona matapos salakayin ang isang drug den sa Naga City.

Hindi na nakapalag sa pwersa ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Fernando Amaro, 50-anyos; Rosalina Molina, 47-anyos; at Janeth Cenadano, 25-anyos na naaktuhang gumagamit ng droga sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Mark Anthony Viray, Provincial Officer ng PDEA-CamSur, sinabi nito na may koneksyon ang kanilang operasyon doon sa bayan ng Camaligan kung saan nasamsam nila sa isang high-value target na si Alex Garol, ang nasa kalahating kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon.

Nabatid kasi na ang milyones na halaga ng shabu ay nakatakda sanang i-deliver sa lungsod ng Naga, kung saan isa na si Amaro sa binabagsakan nito ngunit kaagad itong natimbog ng mga awtoridad.

Kaugnay nito, nakumpiska sa naturang drug den ang 15 grams na bigat ng shabu na nagkakahalaga ng P102,000 gayundin ang iba pang drug paraphernalia.

Dagdag pa rito, tinawag naman ni Viray na tila “convenience store” ng mga jeepney drivers ang naturang drug den kung saan sila bibili ng droga at dito na rin umano babatak bago pumasada.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.

Samantala, tiniyak naman ni Viray na magpapatuloy ang kanilang imbestigasyon lalo na kung ang mga ito ay nakakakuha ng proteksyon mula sa law enforcement officer o mga government officials.