NAGA CITY – Patay ang isang hindi pa nakikilalang indibidwal matapos na mabangga ng truck sa Gumaca, Quezon.

Kinilala ang biktima na nasa 45 hanggang 50-anyos.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ng truck na minamaneho ng suspek na kinilalang si Mark Anthony Camba Cortez, 30-anyos, residente ng Brgy Cubcub Capas Tarlac, ang Maharlika Highway sa nasabing lugar ng bigla na lamang umanong tumawid sa kalsada ang biktima.

Dagdag pa nito, sinubukan pa umanong iwasan ng suspek ang biktima ngunit nabangga pa rin ito ng nasabing truck.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, dahil sa impact ng pagkakabangga, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.