Isinailalim sa “elevated alert status” ang Senado ngayong Martes matapos ang tensyon sa pagitan ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at kampo ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng umano’y pagtatangkang ihain ang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Kinumpirma ni Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na nakataas ang alert level sa Senado upang mapanatili ang seguridad sa loob ng gusali.
Nakitaan din ng mga tauhan ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) na may dalang mahahabang baril sa loob ng Senado.
Ayon kay Aplasca, bahagi umano ito ng kanilang regular na seguridad sa institusyon.
Naging mainit ang sitwasyon noong Lunes matapos habulin ng mga ahente ng NBI si Dela Rosa, na muling nagpakita sa publiko makalipas ang anim na buwang pananahimik sa gitna ng mga ulat tungkol sa inilabas na ICC arrest warrant laban sa kanya.
Sa plenaryo ng Senado, galit na inakusahan ni Dela Rosa ang mga ahente ng NBI na sinubukan umano siyang pigilan at makipagbuno upang hindi makapasok sa gusali.
Dahil dito, bumoto ang ilang senador upang i-contempt ang mga sangkot na tauhan ng NBI at pansamantalang ilagay sila sa kustodiya ng Senado.
Kalaunan, matapos ang pakikipagpulong kay NBI Director Melvin Matibag, ibinalik sa kustodiya ng NBI ang mga ahente.
Samantala, patuloy ang usapin kaugnay ng posibilidad ng pagpapatupad ng ICC warrant laban kay Dela Rosa sa pamamagitan ng Interpol at kaukulang utos mula sa lokal na hukuman.














