Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes na wala pa silang natatanggap na direktang kautusan upang arestuhin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño, hindi pa nagpupulong ang National Central Bureau-Philippine Center on Transnational Crime (NCB-PCTC) hinggil sa pagpapatupad ng ICC warrant laban kay Dela Rosa.

Dahil dito, sinabi niyang wala pang partikular na direktiba sa PNP para isagawa ang pag-aresto sa senador.

Ipinaliwanag ni Tuaño na may dalawang posibleng proseso sa pagpapatupad ng ICC warrant: extradition proceeding at direct surrender.

Advertisement

Sa extradition proceeding, kinakailangan muna ng court order at pagdinig sa pangunguna ng Department of Justice (DOJ), na inaasahang magtatagal.

Samantala, ang direct surrender ay isinasagawa sa pamamagitan ng koordinasyon ng Interpol at NCB-PCTC sa ilalim ng Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity.

Ayon kay Tuaño, ito rin ang naging proseso sa pag-aresto at paglilipat kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands.

Sinabi rin ng PNP na maaaring tumulong ang kanilang ahensya kasama ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagpapatupad ng warrant kung kinakailangan.

Binigyang-diin ni Tuaño na hindi ipinauubaya sa ibang ahensya lamang ang operasyon dahil dating hepe ng PNP si Dela Rosa.

Dagdag pa niya, maaari ring hikayatin ng PNP si Dela Rosa na kusang sumuko upang mapanatiling maayos at mapayapa ang implementasyon ng warrant.

Samantala, sinabi ni Dela Rosa na gagawin nila ang lahat ng legal na hakbang upang maiwasan ang kanyang pagdadala sa The Hague para litisin ng ICC.

Iginiit naman ng Malacañang na bibigyan si Dela Rosa ng proteksyong naaayon sa batas, tulad din ng hinihinging proteksyon ng mga umano’y biktima ng extrajudicial killings.

Kaugnay nito, nagdeploy ang Southern Police District ng humigit-kumulang 300 pulis sa paligid ng Senado upang bantayan ang seguridad sa gitna ng mga protesta at tumitinding tensyon sa lugar.

Patuloy ding nagbabala ang PNP laban sa pagkalat ng maling impormasyon sa social media kaugnay ng implementasyon ng ICC arrest warrant laban kay Dela Rosa.

Advertisement