NAGA CITY – Arestado ang isang indibidwal habang nakatakas naman ang isa pa matapos ang isinagawang buy bust operation sa Barangay Sta. Cruz Proper, sa lungsod ng Naga.

Kinilala ang naaresto na si James Mark Tibatib, 29-anyos, residente ng Pacol sa nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Naga City Police Office (NCPO), napag-alaman na narekober sa suspek ang tatlong piraso ng transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu.

Kaugnay nito, napag-alaman na isang buwan ng minamanmanan ng mga awtoridad ang suspek hanggang sa tuluyan na nga itong naaresto sa nasabing operasyon.

Samantala, may ka-transaksiyon pa sana umano ang suspek sa isa pang suspek na tinatayang nagkakahalaga ng P15,000 ng iligal na droga, ngunit agad naman itong nakatakas nang makatunog na pulis ang ka-transaksiyon nito.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang naarestong suspek habang pinaghahanap pa ang kinalalagyan ng nakatakas na suspek para sa karampatang disposisyon.