NAGA CITY – Patay ang isang motorcycle driver habang sugatan naman ang mga angkas nito matapos na makabanggan nito ang isa pang motorsiklo sa Maharlika Highway, Purok 5, Brgy. Sto. Domingo, sa Vinzons, Camarines Norte.

Kinilala ang namatay na driver na si Berni Vargas, residente ng Purok 5, Barangay Alawihao, Daet, habang ang mga angkas nito na sina Juliet Vergara, 24-anyos, at Francyn Jagucoy, 18-anyos, parehas residente ng Brgy. Sto. Domingo, Vinzons sa nasabing lalawigan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, habang binabaybay ni Vargas sakay ng motorsiklo kasama ang mga angkas nito ang kahabaan ng nasabing kalsada ng makabanggan nito ang isa pang motorsiklo na minamaneho naman ni Jay Torquator, 45-anyos, residente ng Purok 8, Brgy. 2, Daet mula sa kabilang direksyon.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang parte ng kanilang mga katawan ang dalawang driver ng motorsiklo maging ang mga angkas ni Vargas.

Samantala, agad naman na dinala sa ospital ang mga ito para sa asistensya medikal ngunit ideklara ring dead on arrival ng mga doktor si Vargas, samantala nagpositibo naman sa alcoholic breath si Torquator at kasakulukayang nagpapagaling sa ospital kasama ang iba pang mga biktima.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.