NAGA CITY – Patay ang isang indibidwal habang sugatan naman ang dalawa pa matapos ang nangyaring aksidente sa Barangay Sto Domingo, Calauag Quezon.

Kinilala ang binawian ng buhay na si Michael Paciona Santiquia, 42 anyos, at ang mga nasugatan naman na sina Aloja Capuno Ocial, 33 anyos at isang menor de edad, kapwa mga residente sa bayan ng Calauag sa naturang lalawigan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na nawalan ng kontrol ang kotse na minamaneho ng isang kinilalang si Antonio Belen Boncan, 61 anyos, residente ng Bulan Sorsogon dahil sa masamang panahon.

Dahil dito, natumbok ng nasabing sasakyan ang motorsiklo na minamaneho ni Santiquia, angkas si Ocial at isang menor de edad.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad namang dinala sa ospital, ngunit idineklara ring dead on arrival ng mga doktor si Santiquia.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.