NAGA CITY-Patay ang isang pasahero habang sugatan naman ang dalawa pa pagkatapos na makabangga ang tricycle na kanilang sinasakyan sa isang truck sa Brgy. Quipot, Tiaong, Quezon.
Kinilala ang binawian ng buhay na si alyas Kyle, isang menor de edad, habang ang mga sugatan naman ay sina John Ryan Pardilla Dimayuga, 28-anyos, residente ng Brgy. Lumingon, at si John Henry Pardilla Dimayuga, 22-anyos, residente rin ng Brgy. San Agustin, parehong sa nabanggit na lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ng isang Renato Eduarte Oreto, 60-anyos, residente ng Sitio Lagyo, Brgy. Ilayang Polo, Pagbilao, Quezon gamit ang isang Sinotruck Dump Truck, ang westboud lane ng Tiaong-Lipa Road, nang makabangga dito ang tricycle na minamaneho ni John Ryan na binabagtas ang kabilang linya dahil kinain nito ang linya ni Oreto.
Dahil dito, sugatan sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan ang driver at mga pasahero ng tricycle na kaagad na dinala sa ospital ngunit sa kasamaang palad ay binawian ng buhay si alyas Kyle.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nabanggit na insidente.