Nasugatan ang 18 katao matapos magbanggaan nang harapan ang dalawang lokal na tren sa hilaga ng Copenhagen, Denmark, kabilang ang lima na nasa kritikal na kondisyon, ayon sa mga emergency services.
Naganap ang insidente bandang 6:30 a.m. (0430 GMT) sa Gribskov train line na nag-uugnay sa mga bayan ng Hillerod at Kagerup.
Ayon sa mga awtoridad, nasa humigit-kumulang 37 pasahero ang sakay ng dalawang tren nang mangyari ang banggaan. Inilarawan ng mga rescuer ang loob ng mga bagon bilang “chaotic,” kung saan nagkalat ang basag na salamin at malalaking pinsala sa harapang bahagi ng mga tren.
Sinabi ng isang opisyal ng fire and rescue service na ang dalawang tren ay nagbanggaan nang direkta, na nagdulot ng matinding pinsala at pagkalat ng debris sa loob ng mga bagon.
Agad na rumesponde ang mga emergency team na binubuo ng 47 rescue workers at 18 sasakyan. Ligtas na nailabas ang lahat ng pasahero at walang naiulat na na-trap sa loob ng tren.
Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang sanhi ng aksidente, habang sinasabing masyado pang maaga upang magbigay ng konklusyon.
Nagpaabot naman ng tulong ang Swedish government, ngunit tinanggihan ito ng Denmark dahil sapat na ang kanilang lokal na resources para sa operasyon.
Inaasahan ding magsasagawa ng masusing imbestigasyon sa isa sa mga pinakamalalang aksidente sa riles sa Denmark sa mga nakaraang taon.














