NAGA CITY – Patay ang dalawang babae matapos pagbabarilin sa Tiaong, Quezon.

Kinilala ang mga biktima na sina Jessica Prado Tambado, 28-anyos, residente ng Brgy. Talisay, sa naturang bayan at Lani Sanchez Caya, 26-anyos, residente ng Brgy. San Juan sa nasabi ring bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nasa loob umano ng nirerentahan na bahay sina Tambado at Caya nang bigla na lamang dumating ang mga hindi pa nakikilalang mga suspek at bigla na lamang pinagbabaril ang mga biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na dahil sa insidente nagtamo ng mga tama ng bala ng baril saiba’t-ibang bahagi ng kanilang mga katawan ang mga biktima na naging dahilan ng kanilang agarang kamatayan.

Samantala, agad namang tumakas ang mga suspek papunta sa direksyon ng San Pablo City, Laguna.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagwang imbestigasyon ng mga awtoridad gayundin ang pagtunton sa posibleng kinaroroonan at pagkakakilanlan ng mga suspek.