NAGA CITY- Patay ang dalawang katao habang apat naman ang sugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa Calauag, Quezon.

Kinilala ang mga namatay na sina Arnel Auraus Bernarte, 44-anyos, at Ryan Merogenia Badillo, 32-anyos, habang ang mga nasugatan naman na sina Emma Merogenia Badillo, 54-anyos, Corporal Romel Cabino Soliva, 32-anyos, Philippine Army na nakaassign sa 201st Brigade, sa nasabing lugar, Sarah Cotoner Sabido, 27-anyos at Erwin Osabel Potistad.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakatanggap ng tawag ang Calauag Municipal Police Station (MPS) mula sa isang concerned citizen hinggil nasabing insidente.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na habang binabaybay ni Ryan ang kahabaan ng Maharlika Highway sakay ng kanyang tricycle nang aksidente itong mabundol ng van na minamaneho ni Potistad dahilan para mawalan ito ng kontrol at mabundol ang paparating na mini bus na minamaneho naman ni CPL Soliva.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima dahilan upang bawian ng buhay si Ryan at Bernarte.

Samantala, agad naman na dinala ang iba pang biktima sa ospital para sa asistensya medikal.

Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.