NAGA CITY- Patay ang dalawa katao matapos na mabangga ng isang dump truck ang isang tricycle sa Barangay Kanlurang Palale, Tayabas City.

Kinilala ang mga binawian ng buhay na sina Abner Pabellano, 43-anyos at Hannah Shane De Ocampo, 33-anyos, kapwa residente ng nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quexon Police Provincial Office, nabatid na habang tinatahak ng dump truck na minamaneho ni Christopher Bermudo, 43-anyos, ang kahabaan ng provicial road papunta sa Tayabas City nang bigla na lamang itong mawalan ng preno at aksidenteng masalpukan ang tricyle na mminamaneho ni Pabellano habang lulan si De Ocampo at tatlo pang pasahero.

Dahil sa salpukan, tumilapon sa kanang bahagi ng kalsada ang tricycle at nagulungan ng truck si Pabellano at De Ocampo na naging resulta ng agarang kamatayan ng una habang dead on arrival naman sa ospital ang huli.

Samantala, nagtamo naman ng minor injuries ang ibang pasahero at nalapatan naman ng lunas.

Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.