Alegasyon ng senadora na si Sen. Imee Marcos na may iniaalok umanong “incentive package” para matiyak ang “yes” vote ng mga kongresista sa impeachment ni Vice President Sara Duterte ang nagdulot ng panibagong kontrobersiya ilang araw bago ang botohan sa Kamara.
Sinabi ni Marcos na umano’y may alok na P5 milyon na cash, dagdag na P3 milyon na Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) kada buwan, at P150 milyong halaga ng proyekto para sa mga boboto pabor sa impeachment.
Ayon pa sa kanya, ang mga boboto naman ng “no” ay umano’y maaaring maharap sa zero budget at posibleng kaso.
“Congs lang [ang may offer]. [Sa] senators, no offer—just under [the] gun haha,” ani Marcos, na inilarawan ang sitwasyon bilang “carrot and stick.”
Agad namang itinanggi ni House Committee on Justice chairperson Rep. Gerville Luistro ang alegasyon, at sinabing wala siyang personal na kaalaman o nakasalamuhang ganitong uri ng alok sa proseso ng impeachment.
“Wala po akong na-encounter na ganyan,” giit ni Luistro, sabay sabing wala ring umanong lumapit sa kanya mula pa noong simula ng pagdinig ng komite.
Samantala, hindi pa nagbibigay ng pahayag ang ilang kinauukulang opisyal kabilang ang House leadership at kampo ni Vice President Duterte hinggil sa alegasyon.
Sa nakatakdang iskedyul, ihahain ni Luistro sa plenaryo ng Kamara sa Mayo 11 ang committee report at Articles of Impeachment laban kay VP Sara Duterte, na nakabatay sa mga paratang ng betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, corruption, at iba pang high crimes.
Kailangan ng hindi bababa sa 106 boto upang maipasa ang Articles of Impeachment sa Senado, na inaasahang agad ding magbubuo ng impeachment court kapag natanggap ang reklamo mula sa Kamara.
Habang umiinit ang usapin sa pulitika, sinabi naman ni VP Duterte na hindi siya nababahala sa posibilidad ng impeachment at kaya niyang magpatuloy sa pagtulong sa mga Pilipino kahit wala sa posisyon sa gobyerno.














