NAGA CITY – Patay ang dalawang hindi pa nakikilalang indibidwal matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Sambat Paiisa, Tiaong, Quezon.
Tinatayang nasa edad 25 hanggang 35-anyos ang mga biktima kung saan ang biktimang lalaki ay nakasuot ng asul na t-shirt at stripe na shorts habang ang babae naman ay nakasuot din ng asul na t-shirt at pajama.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nakasakay sa isang motorsiklo ang mga biktima at naghihintay sa terminal ng tricyle nang bigla na lamang dumating ang hindi pa nakikilalang suspek at pinagbabaril ang mga biktima.
Nabatid din na sinubukan pa sanang humingi ng tulong ang mga biktima matapos itong tutukan ng baril ngunit na-corner ang mga ito ng suspek.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na dahil sa nasabing insidente, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na naging dahilan ng kanilang agarang kamatayan.
Samantala, ayon naman sa mga pump attendant ng kalapit na gasoline station, agad din umanong tumakas ang suspek matapos ang naturang krimen.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad gayundin ang pagtunton sa posibleng pagkakakilanlan at kinaroroonan ng suspek.