Nasawi ang isang 21-anyos na lalaki matapos umanong makuryente habang kasagsagan ng pagbaha sa Barangay Buhangin, Davao City, madaling araw ng Martes, Mayo 19, 2026.
Kinilala ng pulisya ang biktima bilang isang “pump boy” na tubong Manay, Davao Oriental at kasalukuyang umuupa ng bahay sa Davao City.
Ayon sa mga awtoridad, nagsasagawa ng monitoring ang mga pulis at rescue teams mula sa barangay at Central 911 sa mga lugar na apektado ng baha nang makatanggap sila ng ulat tungkol sa isang lalaking palutang-lutang sa baha sa harap ng inuupahan nitong bahay.
Agad na rumesponde ang mga rescuer upang sagipin ang biktima, ngunit wala na umano itong palatandaan ng buhay nang matagpuan. Dinala siya sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) ngunit idineklara ring dead on arrival makalipas ang halos isang oras.
Batay sa pagsusuri ng attending physician, sanhi ng pagkamatay ng biktima ang cardiopulmonary arrest secondary to fatal cardiac dysrhythmia dulot ng aksidenteng pagkakakuryente. Naging komplikasyon din umano ang acute respiratory failure bunsod ng pagkalunod at paglanghap ng tubig-baha.
Patuloy namang nagpapaalala ang mga awtoridad sa publiko na maging maingat sa mga lugar na binabaha upang maiwasan ang insidente ng electrocution lalo na sa panahon ng malakas na ulan.














