Photo© NCPO

NAGA CITY- Patay at napugutan pa ng ulo ang isang estudyante matapos masagasaan ng tren sa Barangay Triangulo sa lungsod ng Naga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Pssg Roberto Aguillon, Assistant Public Information ng Naga City Police Office, sinabi nito na ang biktima ay residente ng Brgy. San Cirilo, Pasacao, Camarines Sur.

Batay sa salaysay ng mga nakakita sa pangyayari o mga testigo, habang naka-upo sa gilid ng riles ang hindi na pinangalanang estudyante nang bigla na lamang umano itong humiga sa riles eksaktong paparating naman ang tren na may rutang Naga to Legazpi.

Ito ang naging dahilan upang masagasaan ng tren ang biktima, magkalasog-lasog ang kanyang katawan at magresulta sa agaran nitong kamatayan.

Advertisement

Ayon sa opisyal, patuloy ang imbestigasyon ng kanilang hepatura sa insidente lalo pa’t tinitingnan nila ang anggulo na sinadya o suicide ang pangyayari.

Samantala, batay naman sa mga nakalap pa na impormasyon ng Naga City Police Office, isang pintor ang biktima at kadalasang nakikitang mag-isa lamang nang mga kaklase o kakilala nito.

Sa ngayon, kaugnay ng pangyayari muling nagpa-alala si Aguillon sa mga residentes malapit sa pinangyarihan ng insidente na magin mapagmatyag lalo na sa mga tao na nasa lugar upang maiwasang ang ganitong nakakalungkot na pangyayari.

Gayundin, nagpa-alala ang opisyal sa publiko na kung may pinagdadaanan na mabibigat na problema huwag daanin sa pagpapatiwakal dahil hindi ito ang solusyon sa problema.

Advertisement