Arestado ang tatlong kadete ng Philippine National Police Academy matapos umanong isailalim sa hazing ang mahigit 20 underclassmen na nagdulot ng matinding paso at pinsala sa katawan, kabilang ang paggamit ng kemikal sa loob ng akademya.
Ayon sa ulat, natuklasan ang insidente madaling araw ng Biyernes Santo sa Barracks 2 matapos mapansin ng isang cadet guard detail ang hindi pangkaraniwang aktibidad ng grupo ng mga kadete na dapat ay nagpapahinga na.
Agad itong ini-report sa tactical officer at umabot sa pamunuan ng PNPA at Philippine National Police. Ayon kay Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, mismong ang PNPA leadership ang nakadiskubre at nag-ulat ng insidente.
Sa imbestigasyon, lumabas na tatlong 3rd Class cadet ang direktang sangkot habang pito pa ang tinutukoy na “John Does.” Ayon sa mga awtoridad, nagsimula ang hazing matapos sisihin ang mga plebo kaugnay ng planong pag-alis ng isang 4th Class cadet.
Gamit umano ang brush at toothbrush, pinahiran ng pinaghalong drain cleaner at muriatic acid ang katawan ng mga biktima, na nagdulot ng paso at lapnos sa likod, binti, at iba pang bahagi ng katawan, kabilang ang maseselang parte.
Patuloy na nagpapagaling ang mga nasugatang kadete at binibigyan ng medikal at sikolohikal na suporta habang nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group ang mga suspek.
Sinibak din sa puwesto ang Tactical Officer of the Day habang sinusuri ang posibleng pananagutan sa ilalim ng command responsibility. Ayon sa PNPA, agad nilang tinugunan ang insidente upang matiyak ang kaligtasan ng mga kadete.
Sasampahan ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act 11053 at mga kasong administratibo na maaaring humantong sa kanilang pagtanggal sa akademya.
Muling iginiit ng PNPA at Philippine National Police ang mahigpit na pagpapatupad ng zero tolerance policy laban sa hazing sa lahat ng kanilang hanay.














