NAGA CITY – Sugatan ang apat na katao matapos ang banggaan ng dalawang motosiklo sa Brgy. San Juan, San Jose, Camarines Sur.

Kinilala ang driver ng unang motorsiklo na si Joven Palermo, 56-anyos, at ang mga angkas nito na sina Jessica Balaquiao at Jenarose Palermo, habang ang kabanggan naman nitong motorsiklo na minamaneho naman ni Rolly Peña ang ikalawang motorsiklo.

Ayon kay PCpl. Jacon Pablo Picaso, investigator on case ng San Jose Municipal Police Station, na habang pauwi na mula sa lamay sa Barangay Poblacion, sa kaparehong bayan sina Paleromo at ang mga backrider nito ng makasalubong nito ang motorsiklo na minamaneho ni Peña sa bahagi ng Barangay San Juan sa nasabing bayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, sinasabing naka signal pakanan ang headlight ni Peña ngunit bigla itong lumiko pakaliwa na naging dahilan upang mabangga ito ng motorsiklo na minamaneho ni Palermo.

Dahil dito, natumba ang dalawang motorsiklo na naging dahilan rin upang magtamo ng seryosong mga sugat sa kanilang mga katawan ang apat na inidibidwal.

Agad naman na dinala sa ospital ang mga nasugatan para sa asistensya medikal.

Sa ngayon, nagkaareglo na umano ang mga dalawang panig at nangako naman si Peña na magbibigay ng tulong sa pagpapagamot ng tatlong biktima sa nasabing insidente.