Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na 49 na kadete ng Philippine National Police Academy ang sinampahan ng kaso at pinatawan ng parusa kaugnay ng umano’y hazing incident sa loob ng akademya.
Sa forum ng Kapihan ng Samahang Plaridel, sinabi ni Remulla na pito sa mga kadete ang isinailalim sa kustodiya habang 42 naman ang tinanggal sa akademya dahil umano sa dishonesty matapos mabigong i-report ang insidente sa mga opisyal ng PNPA.
Nag-ugat ang imbestigasyon matapos masugatan ang mahigit 20 fourth class cadets noong Good Friday, Abril 3.
Ayon sa Philippine National Police, nagtamo ng paso at iba pang sugat ang mga biktima matapos umanong buhusan ng halo ng drain cleaner at muriatic acid.
Nauna nang inaresto ang tatlong suspek habang apat pa ang natukoy ng mga awtoridad bilang sangkot sa insidente.
Dahil dito, inalis din sa puwesto ang PNPA director at walong iba pang opisyal ng akademya.
Nagsampa na rin ng criminal charges laban sa pitong PNPA cadets at dalawang pulis kaugnay ng hazing incident.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagsimula umano ang insidente dahil sa internal issue kaugnay ng isang kadeteng nais magbitiw sa akademya, kung saan pinarusahan umano ang ilang underclassmen matapos sisihin sa nangyari.
Samantala, nadiskubre rin ng mga awtoridad ang isa pang hazing incident sa loob ng campus noong Abril 19 kung saan dalawang kadete ang nagtamo ng pasa sa paa matapos umanong hampasin ng dalawang upperclassmen.
Ang dalawang sangkot na kadete ay kasalukuyan nang nasa kustodiya ng mga awtoridad.














