Photo © Web

NAGA CITY – Patay ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Tiaong, Quezon.

Kinilala ang mga biktima na sina alyas Ramon, 44 taong gulang, residente ng Brgy. San Jose, at si alyas John, 31 taong gulang, residente naman ng Brgy. Cabatang, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, nabatid na habang nakaupo sa harap ng kanilang bahay si alyas Ramon ng bigla na lamang itong pagbabarilin ng suspek na kinilalang si alyas Elmo, residente ng Brgy. San Juan.

Dahil dito, nagtamo ng tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan si alyas Ramon na naging dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Advertisement

Samantala, patay rin ang isa pang lalaki na kinilalang si alyas John, matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na habang nakaupo si alyas John sa harap ng bahay nang nagngangalan na Lovely, kasama ang mga kaibigan nito, ng bigla na lang dumating ang hindi pa nakikilalang suspek at bigla nalang pinagbabaril ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na nagresulta rin sa kanyang agarang pagkamatay.

Kaugnay nito, kapwa tumakas ang mga suspek sa hindi pa malaman na direksyon.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa naturang insidente.

Advertisement