Photo© Bula Municipal Police Station

NAGA CITY- Patay ang isang senior citizen habang naputulan pa ng kanang kamay ang isang indibidwal matapos ang aksidente sa Palsong, Bula, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSG Cecilio Buendia Jr., PIO ng Bula MPS, sinabi nito na habang binabagtas ng driver na kinilalang si Nel ang kahabaan ng Palsong Bula mula sa Balaogan Bula, Camarines Sur lulan ang tatlong iba pa gamit ang kotse nang mapaidlip umano ito na nagresulta upang mahulog sa daan ang pinagmamanehong sasakyan at bumangga pa sa puno ng niyog.

Sa lakas ng impact binawian ng buhay ang isang senior citizen, habang ang asawa naman ng driver ay naputulan pa ng kanang kamay.

Dagdag pa ng opisyal, ang ibang lulan ng kotse ay nagtamo naman ng sugat sa ibat ibang bahagi ng kanilang katawan.

Advertisement

Sa imbestigasyon pa ng Bula MPS, mula sa National Capital Region ang mga biktima at patungo sana sa Northern Samar nang mangyari ang insidente.

Samantala, patuloy naman ang pagpapagaling ng mga nasugatan sa aksidente.

Sa ngayon, muling nagpa-alala ang opsiyal sa publiko na mag-doble ingat sa pagmamaneho at kung nakakaramdam ng antok huminto sa pagmamaneho upang makaiwas sa kahalintulad na aksidente.

Advertisement