Patuloy ang malawakang paghahanap at retrieval operations sa mga gumuhong bahagi ng Rizal Provincial Sanitary Landfill sa Sitio 1B, Harangan, Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal, matapos ang insidente ng pagguho noong Biyernes ng hapon, Pebrero 20.
Batay sa mga paunang ulat, tatlong tao ang naiulat na nawawala matapos matabunan ng mga basura, ayon sa mga lokal na awtoridad at sa Office of Civil Defense. Gayunpaman, hindi pa ito pormal na nakukumpirma habang nagpapatuloy ang mga hakbang sa rescue at validation.
Ayon sa ilang residente at mga grupo ng urban poor, may mga ulat na maaaring umabot sa 50 ang nawawala, kabilang ang mga waste pickers na nagtatrabaho sa landfill. Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag na nagpapatibay sa bilang na ito.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau (DENR-EMB), nagpadala na sila ng mga tauhan upang magsagawa ng imbestigasyon at tiyakin kung sumusunod ang operator ng landfill sa mga kondisyon ng Environmental Compliance Certificate (ECC). Inutusan din nila ang EMB na magsagawa ng mga agarang hakbang upang maiwasan ang karagdagang pagguho, tulad ng pag-le-level at paglalagay ng slope sa lugar ng pagguho.
Ayon naman sa Rodriguez MDRRMO, nanatili silang naka-24/7 alert status at patuloy ang operasyon ng paghahanap, kasama ang iba pang mga ahensya, upang matagpuan ang mga nawawala at mapanagot ang epekto ng insidente.
Habang isinasagawa pa ang beripikasyon sa bilang ng mga naapektuhan at nawawala, nananawagan ang mga residente at mga grupong progresibo ng isang malinaw, tapat, at agarang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng pagguho at alamin kung may mga paglabag sa mga pamantayan ng kaligtasan.














