Humingi ng paumanhin si Quezon City 4th District Rep. Bong Suntay sa mga na-offend sa kanyang naging pahayag tungkol sa aktres na si Anne Curtis, ngunit iginiit niyang naninindigan siya sa ginawang analogy sa gitna ng pagdinig ng House Committee on Justice.
Ayon kay Suntay, ang kanyang pahayag na nagkaroon siya ng “desire” matapos makita si Curtis sa telebisyon ay kathang-isip lamang at hindi layuning maging malisyoso o manakit, lalo na ngayong Buwan ng Kababaihan. “To make it appear offensive was not the intention,” ani ng mambabatas.
Ipinaliwanag niya na ang naturang halimbawa ay inihalintulad niya sa naunang pahayag ni Vice President Sara Duterte tungkol sa pagkakabuno kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na aniya’y nasa imahinasyon lamang at hindi aktwal na ginawa. Layunin umano nitong ipakita na ang pagnanais o imahinasyon ay hindi maituturing na impeachable o kriminal na kilos kung walang konkretong aksyon.
Gayunman, hindi natuwa si San Juan Lone District Rep. Ysabel Maria Zamora sa naging pahayag at inirekomendang alisin ito sa opisyal na rekord ng pagdinig.
Nauna nang kinondena ng ilang mambabatas ang naturang komento, iginiit na walang lugar ang ganitong uri ng pahayag sa isang institusyon ng pamahalaan.












