Halos 300 Pilipino mula sa Dubai ang ligtas na nakabalik sa bansa nitong Huwebes ng umaga matapos ang isinagawang repatriation ng pamahalaan kaugnay ng tumitinding tensyon sa Middle East dulot ng sigalot sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), kabuuang 299 na Pilipino ang sakay ng flight na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 alas-6:45 ng umaga.

Sila ang unang batch ng mga Pilipinong inilikas mula sa Dubai. Kabilang sa mga dumating ang ilang bata at sanggol. Sa ngayon, wala pang kumpirmasyon kung may mga overseas Filipino workers (OFWs) na kasama sa naturang batch.

Sinalubong ni DMW Secretary na si Hans Leo Cacdac at mga kinatawan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga umuwing Pilipino. Dinala ang mga evacuee sa holding area sa NAIA Terminal 3 para sa kaukulang tulong at dokumentasyon.

Advertisement

Samantala, sinabi ng OWWA na mahigit 1,000 OFWs na ang nagpahayag ng intensyong magpa-repatriate habang patuloy ang paglala ng tensyon sa rehiyon.

Nauna nang kinumpirma ni Ferdinand Marcos Jr. ang pagkasawi ng isang Filipinong caregiver sa Israel matapos tamaan ng airstrike, habang isa pang OFW ang nasugatan nang bahagya sa isang pagsabog sa paliparan sa Kuwait.

Advertisement