Pag-aaralan ng economic team ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panukalang tapyasan ang excise tax sa petroleum products bilang hakbang upang matulungan ang mga mamamayan sakaling tumaas pa ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, bukas si Pangulong Marcos na pakinggan ang rekomendasyon ng kanyang economic team kaugnay ng posibleng pagbabawas sa excise tax sa langis.

Sinabi ni Castro na wala pang napag-uusapang tiyak na halaga o projection kung magkano ang maaaring ibawas sa buwis sa petroleum products.

Gayunman, tiniyak niya na pag-uusapan ito ng Pangulo at ng economic managers ng pamahalaan upang matukoy kung gaano kalaki ang posibleng bawas sa excise tax.

Advertisement

Dagdag pa ni Castro, nais lamang ng Pangulo na mabigyan siya ng pansamantalang kapangyarihan upang ipatupad ang naturang hakbang kung kinakailangan.

Paliwanag niya, sa panahon ng mga hidwaan sa pandaigdigang merkado na nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng krudo, mahalagang may agarang hakbang ang pamahalaan upang makatulong sa mga mamamayan.

Advertisement