Inatasan ng House of Representatives of the Philippines ang Committee on Ethics and Privileges na magsagawa ng imbestigasyon sa naging pahayag ni QC Rep. Jesus ‘Bong’ Suntay na kinondena ng ilang mambabatas bilang umano’y hindi paggalang sa kababaihan.
Nag-ugat ang kontrobersiya sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaints laban kay Sara Duterte, kung saan ginamit ni Suntay ang aktres na si Anne Curtis bilang halimbawa upang ipaliwanag na ang imahinasyon ay hindi dapat ituring na aktwal na krimen.
Mariing tinutulan ng ilang mambabatas ang kanyang pahayag at ipinabura ito sa opisyal na rekord ng pagdinig.
Sa privilege speech ni Ann Matibag, iginiit niyang hindi dapat gawing biro o pantasya ang kababaihan sa loob ng Kongreso.
Pinangunahan naman ni Ysabel Maria Zamora ang mosyon upang ipatawag si Suntay sa ethics panel at magsagawa ng pagdinig, na kalauna’y inaprubahan nang walang pagtutol.
Samantala, humingi ng paumanhin si Suntay sa mga nasaktan sa kanyang pahayag at sinabing maaaring hindi naging angkop ang kanyang halimbawa, ngunit igagalang niya ang magiging resulta ng imbestigasyon ng Kamara.














